80 taong gulang na babae ang nagtapos ng Senior High School sa Makati

Isang 80 taong gulang na lola ang nagpatunay na hindi hadlang ang edad sa pag abot ng kanyang pangarap. Si Salvacion Flores Nacario na tinatawag din na “Lola Sally”, ay handa na sa pagpunta sa kanyang pagtatapos ngayong Abril.



Sa edad na 80 taong gulang, si Lola Sally ay isang senior high school student sa Fort Bonifacio High School sa lungsod ng Makati. Ikinuwento ni lola na ilang dekada ang nakalipas ay napilitan siyang itigil ang kanyang pag aaral noong siya ay nasa ikalawang taon sa sekondarya.

Bilang panganay sa mga magkakapatid at naatasan siyang alagaan ang kanyang mga kapatid kapag nagkakasakit ang kanyang ina. Parating sinasabi ni Lola Sally na pangarap niyang maging isang military nurse pero sa ngayon, matapos niya lang ang high school ay isa nang katuparan ng kanyang pangarap. Ikinasal siya sa isang sundalo at nagkaroon ng sampung anak.



Nang lumaki na ang kanyang mga anak at apo at gumagawa narin ng sariling pamilya ay napagdesisyonan niya na ipagpatuloy ang kanyang pag aaral.

Sa una ay hindi siya pinayagan ng kanyang mga anak sa kadahilanang may edad na si Lola at may mga nararamdaman na. Ang panlimang anak niya na si Juanito Nacario ay nagbahagi naman na,

“Para sa amin, ayaw na namin sana mag-aral siya dahil sa matanda na siya, baka one day madapa siya sa paglalakad niya pagpasok sa iskul. Pero since na hindi namin siya mapigilan, wala na kaming nagawa. Sabi namin, pabayaan na lang si Nanay na ganyan.”

Determinado si Lola Sally na bumalik sa eskwelahan. Magkasabay silang pumapasok ng kanyang apo sa paaralan araw araw. Si Lola ay masayang natututo kasama ang kanyang mga kaklase.

Sabi ni Lola Sally, “Nawawala ‘yung problema ko kapag nasa paaralan ako.”
Aminado si Lola Sally na may mga nangungutya sa kanya at pinagtatawanan ang kanyang naging desisyon. Pero hindi ito pinansin ni lola Sally, “Yung mga tao diyan na chismosa, hindi, wala akong pakialam sa kanila”.

“Nay, bakit nag-aaral ka pa? Magsugal ka na lang. Mag-aral ka na lang ng Mahjong o Tong-its!’ ‘Kayo na lang,’ sabi ko, ‘Hayaan n’yo na lang ako,” dagdag pa ni lola.

Ngayon ay suot ang kanyang puting toga at nakapose sa graduation photo, si Lola Sally ay di matawaran ang saya. May bilin siya sa mga batang estudyante, “Sikapin ninyong makatapos kayo at matupad ang mga pangarap n’yo.”

Source: GMA NETWORK/Frontrow



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *