Katapatan ang ipinamalas ng isang Tricycle Driver matapos magsauli ng bag ng isang Dayuhan na naglalaman ng malaking halaga

Nagpakita ng katapatan ang isang tricycle driver nang isauli niya ang napulot na bag habang namamasada ito sa isang lugar sa Legazpi City, Albay.

Ibinahagi ng driver na si Ernesto Hernandez Jr. na habang namamasada ito sa Barangay Pawa malapit lamang sa istasyon ng pulisya ay nakakita siya ng bag sa gilid lamang ng kalsada ayon sa ulat ng Unang Balita noong May 20.



Pinulot naman agad ito ni Ernesto ng walang pag-aalinlangan at dinala agad sa nasabing malapit na police station upang hanapin ang nagmamay-ari ng gamit.

Image courtesy: Legazpi City Police Station

Sumakto din naman na naroon din ang may-ari ng bag sa istasyon na naghahanap din ng kanyang nawawalang bag kaya naibalik naman ito agad ni Mang Ernesto ang gamit sa may ari.

Napag-alaman na ang nawawalan ng gamit ay isang estudyante pa lamang at isang Indian National na kasalukuyang naninirahan kasama ang kanyang pamilya.

Lubos naman nagpapasalamat ang nasabing estudyante sa tricycle driver na si Mang Ernesto dahil sa naibalik ang kanyang nawawalang bag na naglalaman ng mga passport, relo, gadgets, at iba pang personal na gamit na kailangan niya sa paaralang pinapasukan.

Image courtesy: Legazpi City Police Station



Umani naman ng mga papuri si Mang Ernesto mula sa mga netizens dahil sa nagawang katapatan. Sabi pa ng ilan na dapat tularan si Mang Ernesto ng ibang tricycle driver sa buong bansa upang sila’y mas pagkatiwalaan at tumaas ang kanilang reputasyon.

Tunay nga na hangang-hanga ang marami na nakasaksi sa katapatan ni Mang Ernesto na umani ng iba’t ibang positibong pahayag at komento.

Puro papuri ang kanyang natanggap na nagsasabi na mayroon siyang napakabuting puso at bihira na ang mga ganyang klase ng tao. Kahit na anong hirap ng buhay ay nangibabaw pa rin ang pagiging matapat at hindi nagdalawang-isip na isauli agad ito.

Si Mang Ernesto ang natatanging buhay na patunay na may mga kababayan pa tayong tapat at hindi nasisilaw sa mga mamahaling materyal na bagay.

Source: Unang Balita/GMA News



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *