Limang pisong ulam ang tinda ng isang nanay upang makabili at makakain ang mga estudyanteng gipit sa baon

Sa kaliwa’t kanan na pagtaas ng mga bilihin at pananatili ng mababang pasahod ng halos lahat ng kumpanya, karamihan sa ating mga kababayan ay patuloy na naghihigpit ng sinturon at nagsusumikap na makaraos sa araw-araw.

Ang ilan sa kanila ay mga estudyante na madalas ay hindi kumakain para lang mayroong pampamasahe o di kaya naman ay pandagdag sa matrikula at pambayad sa iba pang gastusin sa paaralan.

Image courtesy: Julius Babao/Facebook



Mayroon din namang ginagawang aksiyon ang gobyerno para maibsan ang pasanin ng mga mag-aaral na ito ngunit hindi lahat sa kanila ay nakakatanggap ng mga benepisyo.

Sa kabutihang palad ay mayroong mga ilang mga kababayan ang nagpapakita ng kanilang kabutihan at kaunawaan sa kanilang kapwa kagaya na lamang ng isang matandang babae na naging viral sa social dahil sa pagtitinda nito ng sobrang murang mga pagkain.

Image courtesy: Julius Babao/Facebook

Nakilala siya bilang si Nanay Mel at mayroon siyang carenderia na matatagpuan sa Meycauayan, Bulacan. Madalas na dinadayo ng mga estudyante at trabahor ang kaniyang kainan hindi lamang sa mura nitong mga paninda kundi dahil masasarap din ang kaniyang mga niluluto. 

Maraming pwedeng pagpilian na ulam sa kaniyang karenderia kagaya na lamang ng bopis, kare-kare, tinolang manok, menudo, at iba pa.

Swak na swak nga sa masa ang mga lutong ulam ni Nanay Mel dahil bawat supot ay nagkakahalaga lamang ng limang piso at sa halagang sampung piso ay mayroon ka ng kanin at ulam! Ayos na ayos diba?

Image courtesy: Julius Babao/Facebook

Sinadya talaga ni Nanay Mel na magtinda ng murang pagkain dahil batid niya ang mga pinagdadaanang gutom ng mga trabahador at estudyante na pinagkakasya ang pera para makaraos sa loob ng isang araw.

Image courtesy: Julius Babao/Facebook



Maliban sa napakamurang ulam ay nagtitinda din siya ng sarili niyang version ng sikat na sikat na “chao fan”. Ito ay binubuo ng sinangag na kanin at ilang piraso ng maliliit na hotdog na nakalagay sa isang maliit na plastic cup. Ibinebenta niya rin ito sa halagang limang piso lamang. 

Para naman sa mga estudyante na hindi kayang bumili ng limang pisong ulam, maaari rin silang magbaon ng sariling kanin at bumili ng mga fishball, kikiam, maliliit na hotdog o di kaya naman ay cheese sticks na nagkakahalaga lamang ng piso kada piraso.

Image courtesy: Julius Babao/Facebook

Samantala, ayon sa panayam ng news anchor na si Julius Babao matapos niyang interviewhin si Nanay Mel, ginawa niya ang bagay na ito kahit na siya ay mahirap rin dahil nais niyang makatulong sa kaniyang kapwa sa paraan na kaya niyang gawin at ito nga ay sa pamamagitan ng pagtitinda ng masasarap na pagkain sa napakamurang halaga.

Image courtesy: Julius Babao/Facebook

Tunay ngang isa kang inspirasyon para sa nakararami Nanay Mel. Nawa ay patuloy kang makatulong sa ating mga kababayan na patuloy na lumalaban sa kahirapan.

Source: Julius Babao



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *