Max Collins at Pancho Magno, nasasabik na masilayan ang kanilang anak matapos ibahagi na nagdadalang-tao ito

Masayang inanunsyo ni Pancho Magno at Max Collins ang nalalapit na pagdating ng kanilang munting anghel na isang karagdagan sa kanilang pamilya. Buntis na ngayon si Max at ilang buwan na lamang ay masisilayan na natin ang kanilang panganay na  anak na paniguradong magmamana ng magandang lahi ng mag-asawa.

Image Courtesy: Instagram/magnopancho



Si Pancho at Max ay ikinasal noong Disyembre, taong 2017 at ngayon ngang makalipas ang dalawang taon ay magiging ganap na magulang na sila ilang buwan mula ngayon.

Ang seremonya ng kanilang kasal ay ginanap sa Marriott Grand Ballroom at dinaluhan ito ng mga malalapit na kaibigan at mga kaanak nilang dalawa. Apat na taon naging magkasintahan sina Pancho at Max bago lumuhod ang aktor upang hingin ang kamay ni Max para maging kabiyak nito habang buhay at bumuo ng pamilya kasama nito.

Image Courtesy: Instagram/magnopancho

Ayon kay Max, noong una ay hindi rin nila akalain na magtatagal ang kanilang relasyon at mauuwi sa kasalan dahil magkaiba ang kanilang mga personalidad. Naisip nila na maghihiwalay rin sila kalaunan ngunit nagulat na lang sila na bumibilang na ng taon ang kanilang relasyon at lalo lamang tumitibay sa paglipas ng panahon.

Bago pa man sila ikasal ay ipinahayag na ng dalawa na hindi pa muna nila balak ang magkaanak dahil gusto nilang namnamin muna ang bagong buhay nila bilang ganap na mag-asawa.

Image Courtesy: Instagram/magnopancho



Kaya naman ngayon na dalawang taon na ang nakalilipas mula noong sila ay ikinasal ay inanunsiyo na nila sa kanilang kanya-kanyang Instagram accounts na buntis na si Max sa kanilang magiging panganay.

Makikita sa larawan na ibinahagi nila na karga-karga ni Max ang dalawang aso nila habang si Pancho naman ay may hawak na sonogram matapos silang magpacheck up sa doctor.

Image Courtesy: Instagram/magnopancho

Makikita na ilang linggo pa lamang ang sanggol sa sinapupunan ni Max kaya hindi pa gaanong halata ang kaniyang baby bump.

“Building our own family with FAMILY. Thank you Lord God for another year. More Family= More Love.” caption ni Pancho sa kaniyang Instagram account.

Image Courtesy: Instagram/magnopancho

Inanunsiyo nila ang magandang balita na ito noong mismong araw ng kapaskuhan.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *